WALANG kadala-dala ang mag-asawang Ogie
Alcasid at Regine Velasquez sa pagbili ng mga kailangan nila sa bahay
through online shopping.

Muli na namang “nabiktima” ang celebrity
couple nitong nakaraang araw nang mag-try uli silang bumili ng isang
gamit sa bahay na tila isang “rack” o sabitan.

Ipinost ni Ogie sa kanyang Instagram
account ang litrato ng asawa habang hawak ito at nilagyan ng caption na,
“Akala po ni misis ay pangmalakihan ang kanyang nabili. Higpit na yakap
mahal. #expectationvsreality.”

Bentang-benta sa mga netizens ang bagong
paandar nina Regine at Ogie sa IG, kabilang na riyan ang mga kaibigan
nila sa showbiz na aliw na aliw rin sa pinagbibili ng dalawa.

Sa comment section nga ng latest post ni
Ogie, ilang celebrities ang aliw na aliw sa kanila ni Regine. Pero may
ilang nagtanong kung ano ba talaga ang binili nila.

Tanong ni Michael V. “Ano ‘yan … panghuli ng dalag?”

Comment naman ni Jaya, “Kaloka Pare ano ba ‘yan?” Na sinundan agad ng tanong ni Mikee Cojuangco ng, “Oo nga. At para saan ba ‘yan?”

Isa rin si Kyla sa na-curious sa hawak ng Songbird at nagtanong ng, “Para saan ba ‘to Kuya Ogie?”

Komento naman ni Pops Fernandez, “Parang di kayo successful sa mga online choices niyo (laughing emojis).”

Ito na ang ikatlong beses na ibinandera ng Kapamilya couple ang kanilang nakakatawa at palpak na online shopping experience.