SINAGOT ni Willie Revillame ang anim na
buwang upa ng pamilyang tinanggalan ng bubong sa Caloocan City dahil
hindi na nakakabayad ng renta.

Napanood ng TV host-comedian ang masaklap
na sinapit ng mga taong nakatira sa nasabing bahay na matatagpuan sa
Bgy. 167, Caloocan City.

Bukod sa binaklas na ang bubong ay pinatanggal pa ng may-ari ang pinto ng kanilang bahay matapos pumalya sa pagbabayad ng renta.

Nag-viral ang video nito nang ibalita sa 24 Oras kamakailan hanggang sa mapanood na nga ni Willie.

Sa nakaraang episode ng Tutok To Win ng
Wowowin, naikuwento ng komedyante ang nangyari, “Nakakalungkot dahil
nangyayari ito sa ating mga kababayan.

“Sa sitwasyon na ito, wala ho e, wala talagang pera e, walang trabaho,” lahad ni Willie.

Tinawagan ng TV host at ininterbyu ang tenant ng bahay pati na ang netizen na nag-upload ng nasabing video.

“’Wag kayong mag-alala, babayaran ko
‘yung anim na buwan ng upa n’yo,” ang sorpresang sabi ni Willie sabay
kuwenta sa kabuuang halaga ng dapat bayaran ng tenant.

Bukod dito, nagpadala rin si Willie sa kanila ng bigas at cash, “Alam mo magpasalamat ka rin sa may-ari.

“Alam mo kung bakit? Binuksan ‘yung bubong mo. Hulog ‘to ng langit sa inyo.

“Kung hindi binuksan ‘yung bubong mo, hindi ka makikita at hindi naming malalaman ang nangyari,” pahayag pa ng TV host.

Masaya ring in-announce ng komedyante na
reregaluhan din niya ang uploader ng viral video, “Bibigyan kita ng
P20,000 dahil ikaw ang nag-upload.”

Kahapon, naibigay na ng staff ni Willie ang ipinangakong relief goods sa pamilyang tinanggalan ng bubong at pinto ang bahay.