Magpapatuloy na sa pagte-taping ang serye
ni Coco Martin, sa isang lugar sa probinsiya ang kanilang location,
mula sa umpisa hanggang sa matapos ang mga eksenang kukunan ay wala nang
uwian ang mga kasama sa taping.

 Ang masakit lang ay hindi naman ‘yun mapapanood sa ABS-CBN dahil sarado nga, kuwento ng aming kausap ay sa KBO o Jeepney TV ‘yun mapapanood, kaya may bayad na ngayon ang pagsusubaybay sa Ang Probinsyano.

 Masaklap ang senaryong ito para sa mga artista ng ABS-CBN. Kung dati’y bastante ang kanilang karera dahil nagseserbisyo sila sa number one network, ngayon naman ay nakalutang sa hangin ang kanilang kinabukasan, bilang na bilang sa kanila ang may malaking naipon na kakayaning makaraos kahit sarado pa ang istasyon.

 Malaking problema ‘yun lalo na kung sila lang ang inaasahan ng kanilang mga pamilya, ngayon nila maiisip kung gaano kahirap ang puro palabas ang pera at wala nang pumapasok sa kanilang bulsa, suntok sa buwan kung kailan uli babalik ang operasyon ng bakurang inaasahan nila ng kabuhayan.