ISINABAY ng Kapamilya actress na si Arci Muñoz sa paggunita ng Independence Day ang pagsabak sa bagong hamon sa kanyang buhay.
Kahapon, nagsimula na ang dalaga sa basic citizen’s training para maging bahagi ng Philippine military reserve force.
Ito ang ibinalita ni Arci sa madlang pipol sa pamamagitan ng kanyang Instagram post sa mismong Araw Ng Kalayaan.
Ibinandera ng aktres sa IG ang ilan
niyang litrato na nakasuot ng military uniform na kuha sa unang araw ng
kanyang physical training sa ilalim ng Philippine Air Force.
“Maligayang Araw ng Kasarinlan mahal kong
Pilipinas! Ngayon araw din ang aking unang pisikal na pagsasanay bilang
kauna unahang Babae sa aking henerasyon at propesyon na sumasailalim sa
#PhilippineAirForce reservist BCMT—Basic Citizen Military Training,”
bahagi ng caption na inilagay niya sa kanyang IG post.
Kasabay nito, hinikayat din niya ang iba
pang kababaihan na magpa-enlist na rin sa military dahil naniniwala siya
na malaki rin ang maitutulong ng mga babae sa mga proyekto at
ipinaglalaban ng Armed Forces of the Philippines.
“Marami pong salamat sa aking Philippine Air Force family. Asahan nyo po ang aking buong pusong dedikasyon at serbisyo,” mensahe pa ni Arci.
Bukod sa Kapamilya actress, ilan pa sa
mga celebrities na nag-apply at nag-training din para maging bahagi ng
AFP reserve force ay sina JM de Guzman, Kiko Estrada, Gerald Anderson,
Elmo Magalona, Jerome Ponce at Yves Flores.
Sumailalim din sa matinding military
training sina Matteo Guidicelli Dingdong Dantes at Rocco Nacino na may
kanya-kanya na ring titulo ngayon sa military.