HINDI na napigilan ng award-winning
broadcast journalist na si Korina Sanchez ang kanyang galit sa mga
bayarang trolls sa social media.

Umabot na ang TV host sa pagsasabing
nakasanla na sa demonyo ang katawan ng mga taong walang ginawa kundi ang
manira, mam-bully at manglait ng kanilang kapwa sa panamagitan ng
socmed.

Naglabas si Korina ng saloobin tungkol sa mga bashers at paid trolls sa naging panayam niya kay Kim last Sunday.

Isa ang TV host-journalist sa mga
nagtanggol sa aktres nu’ng kasagsagan ng pambu-bully sa dalaga dahil sa
kanyang “classroom rules” at “bawal lumabas” statement. Ngunit sa halip
na ma-depress at magpakalunod sa kalungkutan, bumangon si Kim at
ginawang positibo ang lahat ng ibinatong kanegahan sa kanya.

Nagpasamat ang Kapamilya actress kay
Korina dahil sa pagtatanggol nito sa kanya. At dito na nga inilabas ng
misis ni Mar Roxas ang kinikimkim na galit sa mga bayarang netizens.

“Definitely. Alam mo kung bakit? Aminin
na natin na lahat ng mga nega na ‘yan, titingnan mo yung profile, ang
followers wala pang limampung tao. Obvious ba, na bayad ang mga lintik
na ‘yan!” simulang pahayag ni Korina.

Tila na-shock naman si Kim sa sinabi ng TV host ngunit kita naman sa mukha ng aktres ang pagsang-ayon.

“Ang tingin ko sa mga troll, ang kalahati
ng katawan nila ay nakasanla na kay Satanas. Isipin mo, pinalaki sila
ng mga nanay at tatay nila para mag-nega.

“Talaga? ‘Yan ba ang ambisyon ng mga magulang para sa mga anak nila?

“Pero naiintindihan ko. Lahat sila
nangangailangan ng pagkakakitaan,” tuluy-tuloy na sabi ni Korina. Aniya
pa, kumikita raw ang mga bayarang troll ng P500 kada araw.

“Sinasabi ko lang sa lahat ng mga troll, ‘Talaga, ang kabuhayan ninyo ay magpaka-nega?’

“Kahit hindi ninyo pinapaniwalaan basta
maka-nega lang kayo, makasira lang kayo ng tao, makapanakit ng damdamin.
Yan ang pinagkakakitaan ninyo ng limandaang piso kada araw?

“Sinasabi ko lang sa inyo, hindi pa huli ang lahat. Puwede pa kayong magbago ng buhay ninyo.

“Kasi sa totoo lang, hindi ko talaga pinapaniwalaan na proud ang parents ninyo sa ginagawa ninyo, right?” aniya pa.

“Magalit na sila kung gusto nila, wala akong pakialam. Kaya ko sila, kahit sabay-sabay pa sila!” palaban pang pahayag ni Korina na tulad ni Kim ay binatikos din nang bonggang-bongga dahil sa pagtatanggol niya sa ABS-CBN.