SIGURADUNG-SIGURADO na si Sharon Cuneta sa kanyang aksiyon na kasuhan at turuan ng leksiyon ang kababayan nating nagpalutang ng rape threat sa kanyang anak na si Frankie Pangilinan.

Hindi ningas-kugon lang ang sobrang galit ng Megastar, nagsadya na siya sa opisina ng DOJ para kausapin ang kanyang dating abogadong si Justice Secretary Menardo Guevarra para ipahanap si Sonny Alcos, ang nambaboy sa kanyang anak sa social media.

Sa ginagawang imbestigasyon ng mga inatasan ng DOJ ay lumalabas na nasa United Kingdom pala ang Sonny Alcos na ito, du’n nagtatrabaho, at hindi totoong na-hack lang ang kanyang account tulad ng madalas idahilan ng mga nagpapalutang ng mga bastos na mensahe o post.

Inaasahan na ang ganitong aksiyon ni Sharon, hindi siya makapapayag na bastusin ng kahit sino ang kanyang mga anak, madalas niyang sabihin na ibang usapan na kapag ang mga mahal niya sa buhay ang isinasangkot sa isyu.

Dahil nasa ibang bansa ang nambastos kay Frankie ay maraming nag-aalala na baka basta na lang nito malusutan ang pagbabanta ng rape sa anak nina Sharon at Senador Kiko Pangilinan.

Nilinaw ng DOJ na kahit nasa ibang bansa pa ang nagkasala ay puwede pa ring kasuhan, may kalayaan din ang ating mga otoridad na pauwiin ang sinumang may pagkakasala sa batas, kaya hintayin na lang natin ang maaaring haraping kaso ng Sonny Alcos na ito.

Tingnan natin kung anong dahilan ang ibibigay nito sa kanyang post na kung bata-bata pa lang ito ay siguradong gagahasain si Frankie nang hindi ito makukulong.