MADALING intindihin ang impormasyon na
hindi na tulad nang dati ang talent fee na tatanggapin ng mga artista ng
ABS-CBN ngayong muli nilang bubuhayin ang mga programa nila.
Sarado ang network, dinidinig pa sa
Kongreso kung mabibigyan sila ng prangkisa, pero habang naghihintay ang
istasyon ay meron silang ibang paraang naisip para maipalabas ang mga
serye ng kanilang network.
May binuo silang Kapamilya Channel
ngayon, du’n nakatakdang ipalabas ang mga serye nila, ang FPJ’s Ang
Probinsyano ang magiging buwena-mano.
Rerepasuhin ang mga kontrata ng mga
personalidad na nakapailalim sa ABS-CBN, pag-uusapan nila ang
tatanggaping talent fee ng mga artista, magsasalubong sila sa gitna para
sila magkatulungan.
Na madali namang intindihin dahil
hindi lang ang lockdown ang pinoproblema ngayon ng istasyon kundi ang
pagkakaroon nila ng prangkisa para makapagsahimpapawid uli sila.
Bangkarote ang kanilang kaban, tigil
ang mga commercial load na pinagkakakitaan nila, kundi nga naman sila
magbabawas ng pangsuweldo sa kanilang mga artista at production staff ay
saan sila kukuha ng pondo?
Ayon kay Manay Lolit Solis ay
ire-restructure ang kanilang mga kontrata, alam nito ang plano, dahil
maraming alagang artista si Manay Lolit na nagtatrabaho sa ABS-CBN.
Aba naman, kung tutuusin ay maganda
na ang ganu’ng plano ng mga bossing ng network kesa naman sa walang
trabaho ang mga artista, ang mahalaga ay may pumapasok sa kanilang bulsa
at hindi puro palabas lang.
Nagkaroon naman ng panahon na parang
namimitas lang ng pera ang mga personalidad ng ABS-CBN, malaki ang
kanilang kinikita, kaya tiis-tiis lang muna sila ngayong problemado ang
kanilang kumpanya.
Ramdam na ang pangangailangan ng mga
artista, hindi sila makatatagal na habampanahong wala silang trabaho,
kailangan nilang mabuhay.
Kung tatawad man sa kanilang talent
fee ang network ay ayos na ‘yun, maganda nang alok ‘yun, kesa naman sa
nganga ang kanilang drama.