“AI AI delas Alas pinagbabaril sa loob ng kanyang sasakyan…dead on arrival sa ospital!”

Yan ang titulo ng kumalat na balita sa social media tungkol sa pagkamatay umano ng Comedy Concert Queen kamakailan.

Na-shock nga raw si Ai Ai nang magtawagan sa kanya ang ilang kamag-anak at kaibigan sa Amerika nang makita at mabasa nila ito sa Facebook.

“Buhay na buhay ako! Kaloka!” ang sagot naman sa kanila ng Kapuso TV host-comedienne sabay sabing fake news ang kanyang pagkamatay.

At para sa ikatatahimik ng lahat ng kanyang fans and supporters na nagpahayag ng pag-aalala sa kanya, nag-post na si Ai Ai sa Instagram para ibandera ang katotohanang walang barilang naganap at buhay na buhay siya.

Ni-repost ng komedyana ang link ng fake news at nilagyan ng caption na, “Ito po ay fake news… AKO AY BUHAY… may kasabihan ‘pag namamatay ka daw sa balita or ‘pag nanaginip kang patay ka na, long life lalo.”

Birong hirit pa ni Ai Ai, “Buti na lang maganda ‘ko sa picture kung hindi magagalit ako. Hahaha.”

Samantala, ayon naman sa netizen na umano’y pinanggalingan ng pekeng balita, na-hack daw ang Facebook account niya at wala siyang kaalam-alam sa naka-post na fake news sa kanyang wall tungkol sa Kapuso comedienne.