NILINAW ni Bayani Agbayani na ang King of Talk na si Boy Abunda pa rin ang tumatayong consultant niya matapos pansamantalang isara ang Asian Artists Agency.

“Bale, nakakadiretso na (ako), si Tito Boy naman kasi, kamado na niya. Kabisado na niya ang industriya, eh,” pahayag ni Bayani sa amin.

Ikinuwento rin ng komedyante ang naging pag-uusap nila ni Kuya Boy tungkol sa pagsasara ng opisina nito na matatagpuan sa Kamuning, Quezon City.

“Actually, tumawag sa akin si Tito Boy. Sinabi niya, kasi panahon ng lockdown. Syempre, yung mga tao niya pumapasok sa opisina. Eh, natatakot siya para sa kalusugan nila and besides, alam naman niya na matatagalan pa ang problema sa COVID-19.

“So, sinabi niya sa akin, ‘Bayani, ako pa rin ang consultant mo. Ako pa rin ang nasa likod mo. Kaya lang, ‘yung opisina pansamantala ko munang isasara kasi baka napipilitan silang pumasok para doon sa office.

“Eh, baka mas lalong lumaki ang problema natin. Pero si LenLen (misis ni Bayani), sabihin mo sa kanya, siya ang tumanggap ng mga projects mo. Ako pa rin ang consultant mo. Ako pa rin yung nasa likod mo,” ani Bayani.

Sinabi naman daw ni Bayani kay Kuya Boy na naiintindihan niya ang kalagayan ng TV host. Pero, ang mga iilang nananatili na matagal ng staff ni Kuya Boy na sina Lance at Rowena ang tatawag sa kanya kapag may projects for him.

Dahil likas na mahiyain, nadidyahe raw siyang lumapit noon kay Kuya Boy para magpa-manage, “Sabi ko kay Tito Boy, ‘Matagal ko na po kayong gustong masabihan na baka gusto ninyo akong i-manage. Pero ang tingin ko po sa inyo, eh, lahat ng mina-manage ninyo ay puro malalaking artista.’ ‘Tutulungan kita,’ sabi niya. ‘Ako ang bahala sa yo.'”

Pagri-reveal pa ni Bayani, bago pa lang daw sila maging mag-asawa ni LenLen kasama na ni Kuya Boy ang kanyang misis sa dati nitong programa sa GMA 7, ang “Startalk.”

“Doon nagsimula si LenLen at nakatutok siya kay Tito Boy. Kaya nu’ng buntis si LenLen, si Tito Boy pa ang bumibili nang pambuntis niya na mga damit diyan sa Greenhills. Kaya kapag nakikita ako ni Tito Boy even noong kay Tita Angge pa ako, ‘Si LenLen? Kumusta si LenLen?’ Gumaganon parati sa akin,” tsika pa ni Bayani.

Sa ngayon, okey lang daw umapir sa ibang TV networks si Bayani tulad ng GMA 7 dahil wala naman siyang guaranteed contract sa Dos. But at this moment, isa siya sa mga nananalangin na mabigyan muli ng prangkisa ang ABS-CBN.