MATAPOS batuhin ng kaliwa’t kanang pamba-bash mula sa mga netizens, may bagong paandar na naman si Jinkee Pacquiao.

Pinuna ng ilang Instagram at Twitter users ang pagpo-post ni Jinkee ng kanyang mga mamahaling gamit, kabilang na nga riyan ang singer-actress na si Agot Isidro.

Hindi raw napapanahon o wala sa timing ang pagpapakita ng misis ni Sen. Manny Pacquiao ng mga pag-aaring luxury items sa social media dahil nga sa patuloy na banta ng COVID-19 sa buong mundo.

Ngunit sa kabila ng mga natanggap na pang-ookray, hindi rumesbak o nag-react si Jinkee, kahit na sa mga patutsada sa kanya ni Agot. Mukhang hindi naman siya masyadong affected dito.

Pero nitong nakaraang araw, may bagong ipinost si Jinkee sa kanyang official Facebook page kung saan binalikan naman niya ang simpleng buhay niya noon sa probinsya.

Ilang litrato na kuha sa Kitagas Katubao Kiamba, Sarangani Province ang makikita sa kanyang FB account kung saan makikita si Jinkee at mga anak na nakasakay sa parang kariton na hila-hila ng kalabaw.

Dito sinabi ni Jinkee na ang sarap balikan ng nakaraan at sariwain ang mga alaala ng kanyang kabataan.

“Ang kariton (bow).

“Nagpapasalamat ako sa Panginoon na nakablik ulit ako sa lugar kung saan kami nakatira nung bata pa ako, kung saan ako lumaki at nag aral ng elementary.

“Ang saya saya lang balikan ang nakaraan kung saan sumasakay kami ng kariton noon.

“Sinasama kami noon papunta sa bukid sa niyugan ng tatay ko sakay ng kariton at ngayon masaya ako na ma-experience ulit na sumakay kasama ang mga anak ko.

“Masaya sila na na-experience nila at hindi sila natakot! Abangan po ang video part #1,2 and 3 sa youtube channel ko. Ang saya saya promise!” ang buong mensahe ni Jinkee gamit ang mga hashtag na #karitonsabisaya, #gratefulforeverything, #Godisgoodallthetime.