TINUTUKAN ng baril ang dating Kapamilya child star na si John Manalo habang bumibili ng lechon manok kahapon.

Ikinuwento ni John sa kanyang social media account ang mala-eksena sa pelikulang karanasan niya nang tutukan ng baril ng isang holdaper habang bumibili ng pagkain.

Hindi raw niya maipaliwanag ang naramdaman niya nu’ng mga oras na yun, lalo na nang marinig niya ang pagkasa ng baril ng nasabing holdaper.

“Bumibili ako ng Baliwag sa Concepcion tapos biglang na hold up yung store.

“Tinutukan ng baril yung nagtatadtad ng liempo at manok ko. Natutukan din ako. Sobrang bilis ng pangyayari.

“Di ko alam rereact ko nung una. Nahihiya lang ako kasi nakita sigurong tumatakbo ako sa CCTV,” lahad ni John.

Pagpapatuloy pa niya, “Ganon pala feeling pag narinig mo ‘yung kasa ng baril. Sobrang kalmado lang nung holdaper.”

Wala naman daw nasaktan sa nangyaring holdapan, buti na lang daw dumating agad ang mga nagrorondang otoridad sa nasabing lugar.

“Guys, sa mga nagtatanong, safe naman kaming lahat. May mga rumespondeng mga authorities agad. Walang nasaktan,” paniniguro ng dating miyembro ng Kapamilya kiddie gag show na Goin’ Bulilit.

Sa huli, humirit pa si John ng, “Hassle lang kasi sobrang nag-crave talaga ako sa baliwag lechon at chicken.”