ITINANGGI ng handler ni Julia Montes na si Mac Merla na lilipat na ang aktres sa GMA 7.

May kumalat na balitang may nagaganap daw na negosasyon sa pagitan ng Kapuso Network at sa talent management ni Julia na Cornerstone.

Wala na raw kasing programa si Julia sa ABS-CBN dahil nga namomroblema ang network sa prangkisa nito. Nahinto rin kasi ang weekly series ng aktres na “24/7” kung saan kasama niya si Arjo Atayde.

Sabi sa amin ni Mac, “Hi Regs, buti pa sila alam nila. Ako, kausap ko lang si Julia kani-kanina lang wala kaming kaalam-alam.
“Wala rin kaming napag-uusapan tungkol sa paglipat ni Julia. Salamat sa diretsong pagtatanong sa akin,” paliwanag pa niya sa amin.

Wala ring diretsong maisagot sa amin si Mac tungkol sa “24/7” weekly series ng kanyang alaga. Hindi pa sila nakakatanggap ng advisory mula sa production.

“Hindi ko lang sure if shelved na talaga. Ang alam ko postponed muna ang taping dahil nga sa mga nangyayari (COVID-19 pandemic at franchise renewal),” dagdag pa niyang paliwanag.

Anyway, nakausap din namin kamakailan ang manager ni Julia na si Ericmson Raymundo, Presidente at CEO ng Cornerstone. Tinanong namin siya kung may mga offer na sa mga alaga niya mula sa ibang network.

Sinagot naman niya kami nang diretso. Aniya, mananatili ang Cornerstone talents sa ABS-CBN hangga’t kailangan sila. Maganda naman daw kasi ang trato sa kanila ng network.

At bilang pagtanaw ng utang na loob at sa magandang relasyon nila sa management ay hindi sila aalis sa istasyon kaya wala sa isipan nila ang paglipat.