GUSTONG makilala nang personal nina Liza Soberano at Enrique Gil ang kontrobersyal na kongresistang si Sagip Party-List Rep. Rodante Marcoleta.

Nalaman ng Kapamilya couple na inamin ni Marcoleta at ng kanyang asawa na masugid silang tagasubaybay ng LizQuen series na “Make It With You.”

Dahil dito, nakahanap ng chance sina Liza at Enrique para maiparating kay Marcoleta ang kanilang hiling para sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Sa isang video na ipinost sa Facebook ng manager ni Liza na si Ogie Diaz, sinabi ng magka-loveteam na natutuwa silang malaman na nanonood din si Marcoleta at ang kanyang misis ng kanilang teleserye.

“Hello po, magandang araw po sa inyo Congressman. Gusto lang po namin magpasalamat sa inyo ni Mrs. Marcoleta for supporting and watching ‘Make It With You,’” ang pahayag ni Quen.

Sey naman ni Liza, “Cute na cute po kami ni Quen sa ikinuwento niyo pong journey n’yo na sinasamahan n’yo lagi siya at sinusuportahan n’yo po siya sa panonood ng ‘Make It With You.’ We would really love to meet you, especially Mrs. Marcoleta soon.”

Sa isang bahagi ng video, muling hiniling ng magka-loveteam kay Marcoleta na bigyan uli ng chance ang ABS-CBN na makapag-operate uli alang-alang sa mahigit 11,000 empleyado ng network.

“Gusto lang po naming kumatok sa puso n’yo na baka sakaling mabigyan n’yo ng chance ang ABS-CBN,” mensahe ng Kapamilya young actress.

Hirit naman ni Quen, “Sa lahat po ng mga congressmen who think that ABS-CBN deserves a chance, maraming, maraming salamat po sa inyo.”

Isa ang “Make It With You” sa mga teleserye ng ABS-CBN na nawala sa ere mula nang magkaroon ng coronavirus pandemic sa bansa. At tuluyan na nga itong nagpaalam sa desisyon na rin ng management.

Inaasahang magbobotohan ang mga kongresista ngayong linggo kung bibigyan pa ba ng prangkisa ang ABS-CBN.