MATAGAL na rin ang relasyon ng showbiz couple na sina Luis Manzano at Jessy Mendiola kaya ang hinihintay ng publiko ay kung kailan na nga ba sila ikakasal?

Sa huling pakikipag-uusap namin kay Luis sa set ng Kapamilya show noon na “World of Dance Philippines,” (Enero, 2019) ay nabanggit niyang si Jessy na talaga ang babaeng gusto niyang makasama sa buhay.

Sabi niya sa amin, tuma-timing lang siya kung kailan siya magpo-propose sa dalaga.

“Gusto ko kasi kung magpo-propose ako ‘yung wala sa isipan niya o hindi siya nag-e-expect. Kaya hangga’t maaari ayaw kong pag-usapan kasi laging mauudlot,” katwiran ni Luis.

At nitong Lunes ng gabi ay nag-post ang veteran actress na si Vivian Velez, Director General din ng Film Academy of the Philippines, na nabanggit nga ni Luis na gusto na niyang pakasalan si Jessy.

Post ni VV sa kanyang Facebook page, “Jessy Mendiola’s mom, Didith is my second cousin. Last February, Luis Manzano expressed his desire to marry Jessy. You made the right choice Lucky. #couplegoals.”

Apat na taon nang magkarelasyon sina Luis at Jessy at kung noon ay marami ang nagdududa sa kanilang pagsasama, mas marami na ngayon ang naniniwala na sa kasalan na rin mauuwi ang dalawa.

Samantala, kumpirmadong magkakaroon din ng programa si Jessy sa TV5. Isa itong health show titled “Fit for Life” mula sa Cignal Entertainment. Malalaman kung kailan ito magsisimula sa re-launching ng TV5 sa Agosto.

Si Luis naman, bukod sa kanyang mga dati ng negosyo ay abala rin ngayon sa isa pa niyang business na matagal-tagal na ring nasimulan, ang Flex Fuel Gas Station.