“SA tamang panahon!”

Ito ang sagot ng singer-vlogger na si Lyca Gairanod nang tanungin kung gusto ba niyang makipag-collaborate sa controversial internet sensation na si Xander Ford.

Sa latest video ng dalaga titled “Collab or Pass”, inisa-isa niya kung sinu-sino pa sa mga kilalang YouTubers ang nais niyang makasama sa kanyang vlog.

Binanggit niya ang mga pangalang Awra Briguela, AC Bonifacio, Mimiyuuuh, Zeinab Harake, Kim Arda, Jamill, Niana Guerrero, Lloyd Cadena at Ryssi Avila.
Pero siyempre, ang isa raw talaga sa gusto niyang maka-collaborate na content creator sa YouTube ay ang actress-TV host na si Alex Gonzaga.

Ani Lyca, si Alex daw talaga ang naging inspirasyon niya sa pagpasok sa mundo ng vlogging. Nais din daw niyang magpasabog ng katatawanan at kaligayahan sa madlang pipol sa pamamagitan ng YouTube.

“Siyempre iko-collab ko ‘yan si Ate Alex. Kasi si Ate Alex talaga papasok ‘yan ng dressing room grabe ang kulit kakanta-kanta pa ‘yan siya diyan. Ang ingay-ingay,” ani Lyca.

“Nai-inspire ako sa kanya kasi siya rin ‘yung isa sa mga nagpa-inspire sa akin na mag-vlog at magpasaya lang ng tao,” dugtong pa ng The Voice Kids champion.

At sa tanong naman kung payag siyang makasama si Xander Ford sa susunod niyang mga vlog, mukhang hindi pa raw ito posibleng mangyari anytime soon.

Hindi man binanggit ng dalaga, siguradong may kinalaman dito ang bagong kontrobersyang kinasasangkutan ni Xander ngayon matapos siyang akusahan ng rape ng kanyang ex-girlfriend.

“Alam kong mainit pa siya sa tao. Hindi pa talaga pwede sa ngayon. Maybe kapag okay okay na. Sa tamang panahon.

“May problem pa siya ngayon. So ayoko nang dumagdag du’n. Sarilihin mo na po ‘yun,” pahayag ni Lyca.