PASABOG ang inilabas na mensahe ni Megastar Sharon Cuneta sa kanyang Instagram account patungkol sa pamilya Duterte at sa mga DDS (die hard Duterte supporters).

Naglabas si Mega ng kanyang saloobin kamakailan sa kanyang Instagram Live video patungkol sa relasyon niya kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte. Dito rin niya sinabi na gusto niyang manalong Pangulo si Vice-President Leni Robredo sa 2022.

Dahil dito, kaliwa’t kanang batikos ang inabot ni Sharon mula sa mga DDS, at muling idinamay ang kanyang pamilya. Kaya naman sumabog na ang kinikimkim na galit ng singer-actress kasabay ng pagtatanggol sa asawang si Sen. Kiko Pangilinan at anak na si Frankie Pangilinan.

Narito ang mahabang hugot ni Mega: “Okay Okay. Gets ko na mga DDS. Galit na galit kayo sa akin dahil sinabi ko na sana next elections tumakbo at manalo si VP Leni Robredo. E sa gusto ko si VP Leni e, anong problema nyo?

“Bakit galit pa rin kayo sa kin? E kahit alam nyong tatay ang tawag ko sa Pangulo at kaibigan ko si Inday Sara, NIRESPETO NIYO BA AKO AT ANG ANAK KO? Noon pa binabastos niyo na ang asawa ko.

“Tapos ang pangulo mismo ang nag sabi na PINAPALAYAS KO ANG ASAWA KO SAMIN AT MAGRERESIGN SIYA KUNDI TOTOO. Ang laking GULAT NAMIN NOON.

“Dahil hindi ko pa siya nakakausap since before HE HIMSELF ASKED & CONVINCED MY BROTHER TO RUN FOR MAYOR OF PASAY. MAY NARINIG BA KAYO SA AKIN? WALA,” simulang lahad ni Mega.

Ang tinutukoy ni Sharon na kapatid ay si Chet Cuneta na tumakbo noong 2019 elections bilang mayor ng Pasay City ngunit natalo siya ni dating Pasay City Rep. Emi Calixto-Rubiano.

Ayon pa kay Shawie, “Nasaktan kami at ang mga anak ko. Nagkabaon-baon sa utang ang kapatid ko kasi wala naman kaming nakuhang tulong.

“Tuwang-tuwa kami nung inendorse siya ng Pangulo at ni Inday Sara. Tapos nagulat kami pati ang kalaban niya ay inendorso rin. MAY NARINIG BA KAYO SA AMIN KAHIT NASAKTAN KAMI? WALA.”

Pagpapatuloy pa ni Mega, “Tapos binababoy ng isang DDS na kasama nyo ang anak (Frankie) ko. May dumepensa ba sa amin kahit mahal daw ako ni Tatay? Wala. AKO AT SI KAKIE NA ITO, HINDI NA SI KIKO LANG. NASAKTAN AKO.

“Kasi TAYO DAPAT ANG MAGKAKAMPI. PERO KAYO ANG SUMIRA AT PATULOY NA SUMISIRA SAMIN. AWANG AWA NA AKO SA ASAWA’T MGA ANAK KO.

“Ilang taon ko din silang halos hinayaang masaktan habang pinagtatanggol ko ng pilit si Tatay sa kanila. Pero SOBRA NA KAYO. AYOKO MAKASAMA ANG MGA TULAD NINYONG WALANG AWA O PUSO.

“ILANG BESES NA KAMI NASAKTAN. NAPAKASAMA KO NAMANG ASAWA AT INA PAG HINAYAAAN KO PA NA MAGPATULOY YUN NG ANO, NAKA SMILE LANG LAGI? HINDI KO NA KAYA.”

Pero sa kabila ng lahat, at kahit ibinandera niya ang pagsuporta sa pagiging pangulo ni VP Leni sa 2022, siniguro ni Mega na, “Patuloy ko pa ring ituturing na kaibigan sina PRD at Inday Sara. Siguro naman ay nauunawaan nila ako.”