POSITIVE! Yan ang resulta ng COVID-19 test na isinagawa sa Kapuso comedian na si Michael V.

Ito ang ibinalita ni Bitoy sa latest video sa kanyang YouTube channel ngayong araw kung saan detalyado niyang ipinakita kung paano nagsimula ang pagbabago sa kanyang pakiramdam hanggang sa pagpapa-test.

Agad siyang nagpa-swab test noong July 15 matapos makaramdam ng ilang symptoms ng COVID-19. Makalipas ang ilang araw, ipinaalam sa kanya na positibo nga ang resulta ng test sa pamamagitan ng isang e-mail mula sa St. Luke’s Medical Center.

“Siyempre nag-isolate na kaagad ako, nag-quarantine na kaagad ako. I took medicine nagpa-check up ako sa doctor online, I got better the following day,” pahayag ni Bitoy sa kanyang vlog.

Patuloy pang kuwento ng TV host-comedian habang kausap ang isang hospital staff, “Right now, fever na lang. Yung loss of smell, parang nare-regain ko na. So, 15 days after.”

Patuloy pa niya, “Positive just as what we suspected early on. Alam kong hindi normal yung nawala yung pang-amoy ko, and I was counting na may kinalaman talaga yun sa COVID.

“Pero I was also praying na sana, wala. Sana allergy lang or something. But it turns out (positive)…itutuloy lang natin yung mga sinabi sa atin na mga kailangan gawin and we’ll get through this.

“We’ve been through worse, sobrang nami-miss ko na ‘yung pamilya ko,” lahad pa ni Michael V.

Sa ngayon, naka-quarantine pa rin si Bitoy sa isang kuwarto ng kanilang bahay at patuloy na nagpapagaling. Nadagdag ang komedyante sa listahan ng mga celebrities na tinamaan ng COVID-19 kabilang na riyan sina Iza Calzado, Christopher de Leon at Howie Severino.