BINIGYAN ng tribute ni Sen. Manny Pacquiao ang kanyang alagang asong si Pacman na namatay last week.

Pumanaw si Pacman matapos maaksidente noong isang linggo. Ilang taon din siyang inalagaan ng senador kaya naging part na rin siya ng pamilya Pacquiao.

Aksidenteng nasagasaan ang 14-anyos na aso sa isang lugar sa General Santos City. Mabilis siyang itinakbo sa pinakamalapit na veterinary clinic pero hindi na ito na-revive.

Laging kasama ni Pacquiao ang kanyang Jack Russell terrier bilang running partner lalo na kapag sumasailalim siya sa training bilang paghahanda sa kanyang mga laban.

Kaya naman super affected si Pacquiao nang malaman ang nangyari kay Pacman. Hinding-hindi raw niya malilimutan ang lahat ng kanilang pinagsamahan mula pa noong nagsisimula pa lang siyang magboksing.

Isang video ang ipinost sa official Facebook page ni Sen. Manny kung saan makikita ang ilang bonding moments ng senador at ng kanyang pet dog.

“Thanks for being the best sidekick anyone could ask for! We will miss you Pacman!” mensahe ni Pacquiao sa nasabing online tribute para sa namatay na aso.