“ON going pa rin po sila.”

Ito ang matipid na sagot sa amin ng isang taga-production ng Kapamilya series na “A Soldier’s Heart” tungkol sa taping ng programa.

Sa pagkakaalam namin, magkakasama ngayon ang cast ng serye na sina Gerald Anderson, Carlo Aquino, Jerome Ponce, Vin Abrenica, Yves Flores, Elmo Magalona, Nash Aguas at Sue Ramirez sa isang lugar sa Tanay, Rizal.

May nagkuwento sa amin na dahil sa problema sa prangkisa ng ABS-CBN na dedesisyunan ngayong linggo ng Kongreso, ay ipinatigil muna ang mga teleseryeng nagte-taping ngayon.

Naniniwala kaming tuloy pa rin ang taping ng “A Soldier’s Heart” dahil isa sa aktor na bida roon ang may-ari ng mga Siberian Huskies na nakawala at nakapatay ng panabong na manok at nakalbong inahing manok ng aming kaibigan na sinulat namin dito sa BANDERA kamakailan.

Nasa location ang aktor nang maganap ang insidente pero nangako ito na babayaran ang anumang perwisyo na idinulot ng kanyang pet dogs.

Nagbalik-taping ang ilang teleserye ng ABS-CBN kahit na wala pang kasiguruhan ang pagbabalik-operasyon ng istasyon. Napapanood pansamantala ang mga serye ng Dos sa Kapamilya Channel.

Nakagaganda rin na panay ang post sa kanilang social media accounts ang mga artistang involved sa mga programang “FPJ’s Ang Probinsyano” at “Love Thy Woman” para malaman ng publiko na dire-diretso lang ang taping nila at hindi totoong ipinahinto na naman ng management.

Pero ang alam namin, totoong nagbawas ng talent fee ang mga artista na nagbalik-trabaho na sa ABS-CBN, “Yes 20% and okay lang, as long as may work pa kumpara sa totally wala.”

Hayan malinaw na walang pinahintong taping ng mga show ang ABS-CBN kahit pa sa iWant, TFC at YouTube lang sila napapanood ngayon.