“OKAY lang kahit mag-isa lang ako, kahit wala na lang akong anak.”

Kung ang ibang LGBTQIA+ members ay gustung-gustong magkaroon ng sariling baby, iba naman ang pananaw dito ni Vice Ganda.

Aniya, kung talagang gugustuhin niya ay pwede naman siyang magkaanak, pero mas gusto niyang huwag na lang.

Nagsalita tungkol dito ang TV host-comedian sa nakaraang episode ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime,” nang magkuwento ang isang contestant.

Member siya ng LGBTQ community at may dalawa nang anak. Sabi sa kanya ni Vice during the interview, suportado niya ang mga beki na gustong magkaroon ng sariling pamilya.

Pero kung siya ang tatanungin, parang hindi niya maisip kung paanong palalakihin ang magiging baby niya sa mga panahon ngayon.

“Saludo ako. Hindi ko mawari ang tapang at husay niyo, kasi ako, hindi ko kaya ‘yon,” simulang pahayag ni Vice.

“Laging natatanong sa akin, ‘Hindi ka ba mag-aanak? Sayang naman.’ Sabi ko, kung iisipin ko lang ‘yung kakayahan ko, puwede kong sabihin na kaya ko.
“Pero ayaw ko kasi talagang i-expose ‘yung magiging anak ko sa cruelty ng mundo,” lahad ng Phenomenal Box-Office Star.

Patuloy pa niya, “Ako, kaya ko ‘yun. Puwede kong sabihin, na handa na ako, kasi napagdaanan ko na ‘yan, kinaya ko na ‘yan.

“Pero ‘yung bata, hindi ko lubos na maisip ‘yung hirap ng anak ko kapag sinalbahe ng mga salbahe, hindi ba? Parang ako na lang.

“Okay lang kahit mag-isa na lang ako, kahit wala na lang akong anak, basta huwag na lang magdusa ‘yung magiging anak ko kung saka-sakali,” chika pa ni Vice Ganda.