PAGPAPAKUMBABA at pag-amin sa kasalanan ang bitbit ng Kapuso comedian na si Super Tekla sa muli nilang paghaharap ni Willie Revillame.

Naging emosyonal ang “reunion” nina Willie at Tekla sa nakaraang episode ng “Wowowin” sa GMA 7. Ito ang una nilang pagkikita mula nang mawala sa programa ang komedyante ilang taon na ang nakararaan.

“Hi kuya, na-miss kita. Hello po sa mga naka-Tutok To Win and oh my God, it’s nice to be back,” ang naluluhang mensahe ni Tekla sa mga viewers ng programa ni Willie.

Inamin ng Kapuso comedian na nagmatigas siya at nagmalaki noong mga panahong dumadaan siya sa mga pagsubok.

“Noong una naging matigas pa ‘yung puso ko sabi ko ‘Hindi, kaya ko ito, mareresolba ko ito,’ naging matigas talaga siya, ayaw kong sumurender sa Kanya.

“And then nu’ng na-realize ko na wala na talaga akong choice, doon na nag-breakdown na ako, sinurender ko na lahat.

“‘Yung time na walang wala ka nang magagawa you have to surrender everything, sabi ko ‘Tulungan mo ako, sino ang tao na makakatulong sa akin?'” pahayag ni Tekla kay Willie.

Pag-amin pa niya, “Honestly kuya, nag-sink sa mind ko, ikaw. Pero nanaig ako ng hiya at saka hindi ko alam kung paano kita lalapitan.”

Problemado si Tekla ngayon dahil sa kundisyon ng bagong silang niyang anak. Walang butas sa pwet nang ipanganak ang sanggol. Successful ang unang operasyon nito kaya todo ang pasasalamat ni Tekla sa Diyos.

May ilang surgery pa na dapat gawin sa baby at ito ang inihihingi ng tulong ngayon ni Tekla. Nahihiya siyang lumapit kay Willie kaya sa kaibigang si Donita Nose siya nagsabi para maipaabot kay Kuya Wil na nagbabalik din sa “Wowowin.”

“Gusto kong i-portray ‘yung pagiging ako Kuya, pagiging comedian pero ang hirap pala. Sobrang hindi mo mailabas ‘yung tunay na ikaw ‘pag nararamdaman mo na ‘yung ganu’ng kabigat na situation.

“Alam mo Kuya, nag-aalangan ako, pero nanaig pa rin sa akin na sabi ko, ‘Hindi, tutulungan ako ni Kuya Wil,'” sabi ni Tekla.

“Pantay-pantay lang sa ngayon eh, Kuya Wil. Ako hindi ko inano ‘yung sarili ko na artista, lahat tayo sa krisis na pinagdadaanan natin, we’re all the same. Honestly, sobrang hirap talaga. Kaya sabi ko, imposibleng hindi ako tutulungan ni Kuya,” dagdag pa ng TBATS host.

Samantala, nilinaw muli ni Willie na hindi niya tinanggal si Tekla sa “Wowowin.”

“There was a time bina-bash n’yo ako pero hindi ako nagsasalita, hindi ako kumikibo. ‘Ganyan naman si Willie ‘pag ayaw na niya ‘yung co-host iniiwan na niyan, inaalis na.’ Wala po akong tinanggal na co-host na kasalanan ko,” aniya.

Aniya, naging unprofessional talaga si Tekla noon bilang co-host ng show. Natutulog daw ito taping at isang araw ay hindi na nagpakita sa kanila at walang pormal na pamamaalam.

Sagot naman ni Tekla, “Siyempre dumating din ako sa point na, may mga desisyon tayo sa buhay na, I admit that Kuya na may mga pasya tayo sa buhay na akala natin tama. ‘Yun pala, hindi pero may kaakibat ding leksyon at aral sa mga pasya mo minsan na mali.

“Pinanghihinayangan ko rin naman. And of course, never din akong nagtanim ng galit,” ayon pa kay Tekla, na sinabing gusto niya na i-explore pa o mag-level up sa sarili niya.

“I know, alam ng tao ‘yan na kung wala ang Wowowin, walang Tekla ngayon, and for that, tinatanaw o ng utang na loob yan kahit saan ako makarating,” aniya pa.

Hirit naman ni Willie sa kanya, “Gusto ko lahat kayo umasenso sa pamamaraan na gusto niyong gawin, pero wala kang nadinig sa akin even a single word. Lagi ko naman kayong iniintindi, eh.

“Ang importante ‘yung pagpapakumbaba eh. Nandito ka na, you’re back, at siyempre, welcome back Tekla,” masayang sabi pa ni Kuya Wil.

Sa huli, hiling ni Tekla na matulungan siya ni Willie sa pagpapagamot gamot kay Baby Angelo. Tugon ni Kuya Wil, “Huwag kang mag-alala, tutulungan kita. Ipagdasal mo na sana lumaban ‘yung bata.

“Ganu’n talaga ‘yan, nangyayari ‘yan siguro para aral sa atin, baka masyado nang umaangat ang mga paa natin sa lupa, huwag kang mag-alala makakaraos din kayo,” mensahe pa ni Willie kay Tekla.