HATI ang reaksyon ng madlang pipol sa bagong pasabog ng internet sensation na si Xander Ford matapos umaming isa siyang bisexual.

Ipinakilala niya sa kanyang followers at subscribers sa YouTube ang sinasabi niyang boyfriend na nagpapaligaya raw ngayon sa kanya.

Sa simula ng vlog ni Xander ay naka-mask pa ang guy dahil nais daw niyang protektahan ang privacy nito pero kalaunan ay tinanggal din ng dyowa niya ang suot na maskara.

Nagpa-question and answer si Xander sa nasabing vlog at sinagot ang ilang tanong ng netizens tungkol sa kanyang bagong karelasyon.

“I’m with my loved one. Hindi ko siya ipapakita sa inyo kasi medyo nahihiya pa ako. Private po ito, kung anuman ang meron. Siya na ‘yun,” simulang pahayag ni Xander habang katabi ang dyowa.

Sey ng vlogger, hindi siya ang unang na-in love sa boyfriend niya, “Ako po,” sabi ng masked guy.

“Nagkakasama na kami. Nag-uusap na kami nang maayos. Kapag may problema siya sine-share niya sa akin. Kapag may problema ako sine-share ko sa kanya,” paliwanag nito.

Sabi ni Xander, nagsimula ang friendship nila noong 2018, “Nagkaka-chat na po kami, close na po kami. Hindi pa kami nagmi-meet noon. Then 2019 nag-meet. Tropa kami, sobrang magkaibigan. Nagbibigay ako sa kanya ng mga ano ko, ng mga problema ko. Siya rin nagbibigay sa akin ng problema.

“Parang nagkapalagayan kami (ng loob) na dalawa. Noong nalaman niya na ganito ako, sabi niya sa akin, mas naiitindihan niya ako kaysa ‘yung ibang tao, sa dami ng tao na hindi ako naintindihan. So, ako, naniwala ako sa kanya.

“Kaya ‘yung sinasabi nila kung kailan naging kami, parang biglaan na lang po na naramdaman namin,” esplika ng controversial vlogger.

Sa tanong naman kung paano siya naging bisexual, sagot ni Xander, “Straight po talaga ako. Talagang hindi po ako naa-attract sa lalaki. Nito lang, parang ngayon ko lang na-realize na eto, may naramdaman akong ganito, parang na-develop ako sa kapwa ko lalaki.

“Kung sinasabi nila sa akin kung paano ako naging bisexual, kasi po ang bisexual ay nagkakagusto sa babae at nagkakagusto sa lalaki,” aniya.

Diretsong tanong sa boyfriend ni Xander kung naggagamitan lang ba sila? “Hindi ko po siya ginagamit kasi alam naman po niya ang ugali ko. Nagsabi na rin po ako sa kanya.”

Singit ni Xander, “Actually po talaga, ever since pumapasok ako sa isang relation(ship), talagang inaano ko po, talagang pini-flex ko sa social media. Lahat ng naging ex ko pini-flex ko. Pero siya kasi, kahit i-flex ko o hindi, parehas naman kaming ano…siya po galing po siya ng pagiging influencer at doon po kami nagkakilala.

“Much better na gagawa siya ng sarili niyang video, or gagawa ako ng sarili kong video, okay lang. Kung hindi man maging kami, or hindi man maging talaga ito ang para sa amin, magiging masaya pa rin kami kasi nagtulungan kaming dalawa. May memories na kaming dalawa na nagsama kami,” dagdag na paliwanag ni Xander.

Pero bakit kailangan pang magmaskara ng dyowa niya kung nagmamahalan naman sila? “Actually, talaga, gusto ko talaga ipakita ‘yung mukha niya. Gusto ko from the start ng video na ito ay gusto ko siyang itago kasi ‘yung mga tao, kasi curious sila sa kaibigan ko o sa ano ko. Ako, sa akin, gusto ko siyang ipakita sa lahat ng nanonood.”

Dito na nag-decide ang guy na ipakita ang mukha niya, “Okay lang po. Handa po ako harapin kung ano ang sasabihin nila.”

May mga nagsasabi na mukhang totoo naman ang relasyon ng dalawa at tunay na nagmamahalan base na rin sa mga naging pahayag nila sa nasabing vlog.

Sabi pa nga ng mga fans ni Xander, suportado nila ito sa pagiging bisexual basta’t maging totoo lang ito sa sarili at sa ibang tao para makuha rin niya ang respeto ng LGBTQIA+ community.

Pero meron din namang naniniwala sa komento ng iba na isang malaking gimik lang ito ni Xander para mai-divert ang atensiyon ng madlang pipol sa akusasyong rape at pananakit ng dati niyang girlfriend.