NAGKABATI at nagkapatawaran ang dating magka-loveteam na sina Barbie Imperial at JM de Guzman nang muli silang magkita sila sa isang burol.

 

Kinumpirma ng Kapamilya actress na okay na uli sila ni JM at friends na uli sila matapos ang naudlot nilang “relasyon.”

Hindi naging maganda ang ending ng napurnada nilang love story noon kaya talagang pinag-usapan ito sa showbiz nang bonggang-bongga.

Ito rin yung panahong pinagtambal sila ng ABS-CBN sa seryeng “Precious Hearts Romances Presents: Araw Gabi” noong 2018.

Ayon kay Barbie, nag-sorry na sila ni JM sa isa’t isa noong magkrus muli ang kanilang landas kaya past is past na sa buhay nila ang kontrobersyal na pag-aaway nila noon.

“Okay kami. As in, masasabi ko ngayon na friends kami. Kasi dati nasabi ko na hindi ko siya kayang maging kaibigan. Ha-hahahaha!

“Ganu’n naman talaga kapag nasaktan ka, ‘di ba. Parang hindi mo kaya pang maging kaibigan ‘yung isang tao,” pahayag ng dalaga sa online show na “Hotspot”.

“Well, nag-sorry naman siya sa mga nangyari before. Nag-sorry din naman ako kasi ‘di lang naman din siya ‘yung nagkamali.

“Napatunayan naman na timing lang talaga kasi kami nga ni JM, ‘di ba, ang tagal bago kami nagka-batian talaga.

“Masasabi ko na friends kami, pero ‘di naman kami ‘yung friends na nag-uusap. Hindi kami nag-uusap, like, friends lang talaga.

“‘Yun lang. Happy kami na naging friends pa rin kami kahit na medyo may nangyari before,” lahad pa ni Barbie.

Pero paano nga ba sila nagkabati ni JM? “Alam naman nating lahat na medyo nagka-thing kami ni JM, pero nawala rin siya. Never naging kami.

“Siguro naging rough siya, at first. Naging magulo after, but after naman ng ilang months, naging okay kami.

“Actually, after nu’ng gulo na ‘yun, nagkita kami recently, na hindi naman namin pinlano, sa isang burol.

“Hindi naman namin in-expect na magbabatian kami. ‘Yun, hi, hello. Ganito ganyan. And then, parang kailangan magpagpag.

“So, kasama namin sina Direk Ruel (Bayani), na parang sinabi nila na, ‘Tara, pagpag tayo.’ Nagpagpag kami. Kumain kami. Nandu’n din si JM. Ang saya,” tuluy-tuloy na chika ni Barbie.

Natutuwa rin ang dalaga dahil kahit matagal na silang hindi nagkakasama sa trabaho ni JM ay may mga fans pa rin na patuloy ang suporta sa kanila.

“Hanggang ngayon ang dami-dami pa ring nagmamahal sa amin ni JM kahit may kanya kanya na kaming mga trabaho, hindi na kami love team. Ang dami pa rin. Ibang klase ang JuanBie fans,” sey ng aktres.