NAGLULUKSA at basag ang puso ngayon ni Kim Domingo dahil sa pagpanaw ng kanyang best friend.

Ramdam na ramdam ng kanyang fans ang sakit na nararamdaman niya ngayon sa mensahe niya para sa kaibigang si Zacharael Gelzz na nakipaglaban sa lung disease.

Nag-post ang Kapuso actress sa Facebook ng litrato nila ng kanyang BFF na may titulong, “Ayoko magpaalam.”

Dito ikinuwento ni Kim kung gaano kalalim ang friendship nila ni Zacharael. Nangangarap pa lang siya noon para sa isang magandang buhay ay magkasama na raw sila.

Mula noong nagmo-model pa lang siya at rumaraket sa mga car show hanggang sa makapasok na sa showbiz at maging bahagi na ng “Bubble Gang” ay hindi siya iniwan ng kaibigan.

“MY BESTFRIEND AND MY GUARDIAN ANGEL.  Napakasakit! Wooo.
“First of all never sumagi sa isip ko na susulatin ko ang mga sinusulat ko ngayon. Dahil para sa akin, masyado pang maaga.Hindi pa ito ang panahon, but i guess eto na talaga yun.
“Oopss! hold ko muna mga luha ko wag muna pala natin simulan sa kadramahan. Dalhin ko muna kayo sa story namin, sa 10 years namin as mag bestfriend. Handa kayo tissue,” ang intro ni Kim sa napakaraming litrato nila ng kaibigan.

“Even it’s really hard to accept, may parteng masaya na din ako dahil hindi ka na mahihirapan dahil hindi ko kaya makita kang hirap na hirap. Ang sakit sa dibdib ko,” simulang pahayag ng dalaga.

Inalala rin ni Kim kung paano sila nagkakilala ni Zacharael noong high school pa lang sila (2010) hanggang sa maging mag-best friend.

“I mean bihira kasi tayo makakita ng babae-lalaki tapos magbestfriend diba so ’yung iba pag tinatanong ako hanggang ngayon ano mo siya?

“Pag sinasabi ko bestfriend ko napapa ‘WEH!’ nalang sila kasi ayaw maniwala sa atin,” kuwento pa ni Kim.

Hanggang isang araw ay nalaman na lamang ni Kim na may tumor na pala ito sa baga.

“Wala naman symptoms bukod sa ubo so hinayaan mo ’yun for how many years hanggang sa eto na naglabas na symptoms, nagpacheck ka hospital noon, nakita nga lumalaki bukol mo,” ani Kim.

Matapos ang ilang linggong gamutan, bumuti naman daw ang kundisyon ni Zacharael pero muling nanghina matapos itong i-biopsy.

“Kaso wala nakita sa result sabi need mo daw mag-undergo ng procedure na VATS di kana din bumalik non coz gumanda nanaman ulit pakiramdam mo.

“Hanggang sa isang araw bigla ka na lang umaray sabi mo sumasakit nanaman bukol mo kinakapos ka hininga,” lahad pa ni Kim.

Isang araw isinugod muli si Zacharael sa ospital, “Hindi kita nilingon pagbaba mo kotse kase badtrip din ako sayo non dahil napakatigas ng ulo mo ayaw mo kumain gulay/prutas.

“Plus laging nagpupuyat din kaya ‘yung awa ko sayo nung time na yun may halong inis iniisip ko na ewan ko ba ang tigas ng ulo mo talaga bes,” pahayag pa ni Kim.

Dugtong pa niya, “Tumunog ang cp may text from your mother. Pagbukas ko ang text na bumungad sakin ‘ATE WALA NA PO SI KUYA HINDI NA PO NYA KINAYA.’”

“Hindi ko din ma-imagine na ang bestfriend ko dati pinipilian ko lang ng damit, ngayon kabaong na.

“Sana punta ka naman sa panaginip ko, sana magkaroon pa tayo one last moment ng tawanan, sana mayakap kita doon or makita ko yung mga matatamis mong ngiti sobrang laking tulong sa akin non.

“Pipilitin ko maging okay kasi alam ko ayaw mo ako nakikitang nagkakaganito. Tutuparin ko pa din lahat lahat ng mga naging plano natin! Kasama ka kasi sa lahat ng plano ko eh. Basta enjoy ka lang dyan sa piling ni LORD ah. Mahal na mahal kita bes, hanggang sa muli,” mensahe pa ni Kim sa kanyang BFF.