SA rami ng napanood naming house tour ng mga celebrity ay itong kay Maja Salvador ang nakitaan namin ng pagsunod sa health protocols.

 

Pagpasok pa lang kasi ng main door ay makikita na ang console table sa gilid kung saan nakalagay ang thermometer gun, alcohol, face mask, tissues at iba pa.

Bukod dito ay may mga white slippers pa na puwedeng pamalit na nasa gilid din ng pintuan dahil ang mga suot na sapatos at tsinelas ay iniwan sa labas kahit pa dumaan sa disinfecting mat sa labas ng bahay.

Sabi nga ni Maja, “Yan ang ginagamit natin ngayon para maging safe tayo.”

Modern tropical ang concept ng bahay ni Maja na ang kanyang interior designer ay kaibigan niya na si Miah Gomez.

Base sa kuwento ni Maja, makailang beses nang na-renovate ang bahay nila at sa bawa’t pagbabago ay memorable.
Una niyang ipinakita ang terrace nila kung saan doon din nakalagay ang grill na hininging regalo ng kapatid niyang lalaki dahil mahilig daw itong mag-ihaw-ihaw with friends. Nabanggit din ng aktres na ang kapatid niya ang nakatira sa bahay nila na tinawag niyang Casa Andres dahil bilang endorser ng Robinsons ay binigyan siya ng sarili niyang unit kaya doon siya nakatira ngayon.

“Pero simula nu’ng nag-lockdown, dito na ako tumira kasama ang kapatid ko kasi nag-iisa lang siya rito sa bahay,” say pa ni Maja.

Paboritong area ng bahay ni Maja ay ang living room dahil za high ceiling nito at ang furnitures na gamit ay more on woods.

“Ito naman (sa divider), nandito ang mga highlight ng buhay ko (trophies), career ko. Ito naman ang graduation picture ng kapatid ko, isa sa achievement ko (pinag-aral niya) at itong picture naming pamilya (nanay at kapatid) kasi sabi ko gusto kong mag-travel noon kasama sila at sa LA (Los Angeles, USA).

“Hindi ako mahilig sa plants pero suggestion ng designer ko mas maganda ang loob ng house na may puno or plants (sabay pakita ng dalawang malalaking Tierra at Eukaryotic plants) kasi mas nakakabuhay ang bahay kapag may living things.

“Bagay na bagay ang may maliit na puno since high ceiling ang bahay kaya bagay siya,” paglalarawan ni Maja sa mga nakalagay sa salas niya.

Dumako naman siy sa dining at kitchen area, “Dati plain lang dito sabi ko nga ilang beses na kaming nagpa-renovate at nu’ng pumunta na si mama sa Canada, nasunod na ang gusto kong design.

“Dati kasi umikot lang ang kulay ng bahay sa red, white and black, e, ngayon modern tropical na kaya more on woods. Dito (modern kitchen table) ako madalas kumain kapag nagmamadali at siyempre ang aking coffee maker, I can’t live without my coffee.”

Ipinakita rin ng dalaga ang mga collection niya ng wine glass, plates at ang kanyang modern oven kung saan siya nagluluto.

“Ito ang aming kitchen na therapeutic sa akin kasi mahilig akong magluto,” sambit ni Maja.

Dagdag pa niya, “Bukod pala sa living at dining kung saan kami madalas magkuwentuhan, ito ang room din na hindi pa ganito ang final look.”

Ang nasabing kuwarto ay may mga sofa kung saan may mini-wine table with glasses, “Sabi nga ng aking boyfriend kung doon kami nagkukuwentuhan (salas), dito kami nagdi-dinner (dining room), dito kami nagla-lounge.”

Ipinakita rin ng aktres ang lanai area kung saan siya nagwo-workout kasama ang mga halaman na nakatapat sa walang bubungan (para may hangin) na ayon kay Maja, “para hindi mabasa ang mga gamit, binababa ko ang blinds.

“At siyempre dream kong magkaroon ng sauna sa aking house, birthday ng boyfriend ko pero ako ang niregaluhan niya ng sauna, kasya ang three pax after workout mag sauna ka na, e, di relax ka na.”

Hanggang first floor lang ang ipinakita ni Maja, hindi na niya ipinasilip ang 2nd floor kung saan matatagpuan ang mga kuwarto nila.

“Kaya mga beshies, ito ang aming bahay, ang Casa Andres,” pagmamalaki pa ng aktres sa kanilang tahanan.